-- Advertisements --

MANILA – Inamin ng independent group na OCTA Research na aabutin pa ng ilang linggo ang “surge” o mataas na bilang COVID-19 cases sa Pilipinas.

Ayon kay Prof. Ranjit Rye, kahit mababa ang mga numero sa ilang lugar sa Metro Manila, hindi naman maikakaila na mataas pa rin ang mga kaso ng sakit sa ibang lungsod.

Inirerekomenda ng grupo na ibalik muna sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang sitwasyon pagkatapos ng ECQ, at huwag agad tumalin sa general community quarantine (GCQ).

“Premature opening to GCQ might make us lose the gains. The ideal now is to deal with the surge. If we can manage transmissions, that’s the only the time we can fully open the economy,” ani Rye sa isang press briefing nitong Sabado.

Ayon sa eksperto, peligroso pang ibalik sa maluwag na quarantine status ang metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan.

“It might be extremely catastrophic for us to open prematurely with hospitals at critical right now.”

Sinabi ng molecular biologist na si Rev. Father Nicanor Austriaco, na miyembro rin ng OCTA, na posibleng sa unang linggo pa ng Abril maramdaman ang epekto ng isang linggo ECQ sa tinaguriang “NCR Plus.”

Nitong Sabado nang ianunsyo ng Malacanang na extended pa ng isang linggo ang ECQ sa NCR at apat na lalawigan.

Aabot na sa 784,043 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.