Naniniwala ang national president ng Alliance of Health Workers na si Robert Mendoza na hindi kakayanin ng mga health workers sa Pilipinas sakali mang mangyari sa bansa ang sitwasyon na sinapit ng Indonesia at India dahil sa mas nakakahawa na Delta variant ng coronavirus.
Sa ngayon kasi ay problema pa rin ang understaffing sa mga ospital kaya wala pa ring pahinga ang mga healthworkers dahil sa COVID-19 pandemic magmula nang maitala noong nakaraang taon ang unang kaso ng sakit sa Pilipinas.
Nauna nang kinumpirma ng Department of Health na mayroon nang local transmission ng Delta variant sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire noong nakaraang linggo, commited ang DOH na hawakan ang 5-digit daily new infections tulad ng sa worst-case scenario ng Indonesia.
Samantala, binigyan naman ng bagsak na grado ni Mendoza si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa paghawak nito sa sitwasyon sa bansa sa gitna ng pandemya.
Hindi kasi aniya prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang kalusugan, kahit pa nga sa usapin ng budget.