-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagkasundo ang League of Municipalities of the Philippines sa Iloilo na isulong ang pagpapatupad ng lockdown sa lalawigan dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) scare.

Ang nasabing hakbang ay napagkasunduan ng mga alkalde kasabay ng isinagawang pagpupulong kung saan naging agenda ay kung paano masugpo ang nasabing virus.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mayor Trexie Fernandez ng San Enrique, Iloilo at presidente ng League of Municipalities of the Philippines-Iloilo, sinabi nito na kahit ang mga mayayamang bansa kagaya ng Estados Unidos at China ay nahihirapan na sugpuin ang COVID-19 kaya nararapat lamang na magdoble kayod ang Pilipinas upang hindi lumala ang krisis.

Ayon kay Fernandez, ang bawat alkalde ay mayroong precautionary measures na ipinapatupad sa kanilang bayan ngunit bilang pinuno ng League of Municipalities of the Philippines-Iloilo, kailangan niyang suportahan ang hakbang para sa ikakabuti ng karamihan.

Inihayag ni Fernandez na mayroon silang ipapasang resolusyon at nakadepende naman kung ito ay papayagan ni Iloilo Gov. Arthur Defensor Jr.

Una nang inihayag ni Mayor Raul Banias ng Concepcion, Iloilo na isa ring doktor, na mas makakabuti na ang lockdown ay ipatupad sa buong Panay dahil kulang sa equipment ang mga hospital.