-- Advertisements --

ILOILO CITY — Umiiyak habang isinasalaysay ng isang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient sa lalawigan ng Iloilo ang hirap na nararanasan matapos nagpositibo sa sakit ang buo nilang pamilya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Vivian, sinabi nito na unang nadapuan ng virus ang kanyang ama na sa kalaunan ay namatay na noong Marso 29.

Ayon kay Vivian, hindi pa matiyak kung saan nakuha ang virus dahil walang travel history ang kanyang ama.

Bago pa man na-admit ang kanyang ama sa ospital, umabot pa sa anim na oras na na-expose ito sa labas ng ospital kung saan maraming ring mga pasyente ang naghihintay.

Matapos ang kanyang ama, sunod na nagpositibo ang kanyang ina at dalawang kapatid ngunit sila ay nananatiling asymptomatic.

Sa ngayon, isinailalim sa quarantine ang pamilya ni Vivian.

Naghahatid naman ng pagkain ang local government unit ngunit ito ay inilalagay lamang sa gate o sa labas ng kanilang bahay.

Hindi rin sila pinahihintulutang mag-usap nang personal at tanging cellphone lamang ang kanilang paraan upang makapag usap na pamilya.

Ani Vivian, araw-araw rin na mino-monitor ng Rural Health Unit ang kanilang kondisyon upang masigurado na mabilis silang maka-recover sa Covid-19.