Magdo-donate ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng 720 metric tons ng nasabat na smuggled na frozen mackerel sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at kalamidad, ayon sa mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA).
Sa isinagawang inspeksyon sa Port of Manila nitong Biyernes, Agosto 8, sinabi nina BOC Commissioner Ariel Nepomuceno at DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang frozen fish ay inirekomenda mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para i-donate sa mga nangangailangang komunidad.
Ayon kay Tiu Laurel, ligtas at fit for human consumption ang isda batay sa mga isinagawang pagsusuri.
‘President Marcos wants these smuggled fish turned over to the Department of Social Welfare and Development so they end up on the plates of suffering Filipinos who need them the most,’ ani Tiu Laurel.
Samantala, sinabi naman ni Nepomuceno na may mga kaso nang isinampa laban sa mga consignee at broker ng kontrabandong kargamento mula China.
Mahaharap sa kasong kriminal ang mga suspek sa ilalim ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, at kasalukuyang may preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ).
Bawat container van ay may dalang humigit-kumulang 30 metric tons ng frozen fish, kaya’t aabot sa 720,000 kilo ang kabuuang halaga ng nasabat na isda —sapat para mabigyan ng tig-iisang kilo ang mahigit 700,000 pamilya.
Ipinag-utos din umano ni Pangulong Marcos na paigtingin pa ng mga ahensya, lalo na ng DA, ang kampanya laban sa agricultural smuggling upang maprotektahan ang lokal na magsasaka, kalusugan ng publiko, at matiyak ang tamang pagbayad ng buwis at taripa.