Simula bukas ay tatanggap na ng pasyente sa COVID-19 ang Ninoy Aquino Stadium ng Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila bilang quarantine facility.
Ito ang kinumpirma ng National Task Force COVID-19 Chief Implementer na si Sec. Carlito Galvez.
Kung maaalala, una ng nagbukas bilang parehong pasilidad ang Rizal Memorial Coliseum na nasa loob din ng Sports Complex. Ayon sa DOH, may capacity daw ito na higit 100 pasyente.
Bukod dito, sinabi rin ni Sec. Galvez na nasa 15 na ang bilang ng COVID-19 testing facilities dahil sa mga bagong ospital at laboratoryo na inaprubahan ang accreditation.
“Sa darating na linggo ay asahan natin na magiging operational na rin ang anim na mass quarantine facilities na may kakayahang tumanggap ng higit 2,000 na suspected at probable COVID-19 patients.”
“Sa mga susunod na linggo ay madadagdagan pa ito ng siyam na mass quarantine facilities. Bukod dito ang apat na COVID-19 referral hospitals na may 830 bed capacity. Ang aggressive or yung targeted testing and contact tracing will be our game changer.”
“Kapag natapos natin ang large scale testing sa mga priority areas sa NCR and other regions ay masa-satisfy na natin ang stratehiya na detect, isolate and treat the patient.”
Kabilang sa mga bagong nadagdag na testing facility ang The Medical City sa Pasig, Molecular Diagnostic Laboratory sa Mandaluyong, Makati Medical Center at V. Luna Hospital.