Nagbabala si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na “magiging suicide” para sa Pilipinas kung tatanggapin nito ang kondisyon ng China sa posibleng joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea.
Giit ni Carpio, dapat manatili sa orihinal na kasunduan noong administrasyong Duterte ang anumang pag-uusap, kung saan ang China ay papasok lamang sa ilalim ng Philippine service contract system at ang mga proyekto ay dapat saklaw ng batas ng Pilipinas.
Ayon sa kanya, kung aakto ang bansa na tila kinikilala ang pagmamay-ari ng China sa langis at gas, para na rin umanong isusuko ang soberanya ng Pilipinas sa teritoryo.
Kasabay nito, muling binuksan ng administrasyong Marcos ang usapan sa Beijing para sa posibleng joint exploration sa gitna ng pandaigdigang krisis sa enerhiya, kabilang ang epekto ng tensyon sa Middle East.
Giit pa ni Carpio, hindi rin agarang solusyon sa kasalukuyang energy concerns ang anumang kasunduan dahil aabutin pa ng ilang taon bago ito maging operational.(report by Bombo Jai)
















