-- Advertisements --

Sinimulan na ngayong araw ng Lunes, ika-30 sa buwan ng Marso ang pag-uumpisa ng ‘libreng sakay’ sa lungsod ng Maynila.

Alinsunod sa naganap na kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at 22 Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA) makakalibre na ng pamasahe ang mga komyuter.

Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagoso, inaasahan nasa 100-libong katao o pasahero ang matutulungan at makakatagpo ng ‘libreng sakay’ sa lungsod.

Habang aabot sa higit isang libo’t apat na raan naman na Public Utility Jeepney (PUJ) ang kalahok na iikot sa Maynila para maghatid ng mga komyuter.

Kung kaya’t paalala ni Mayor Isko Moreno sa publiko at mag-aabang ng masasakyan jeep na hanapin ang may mga karatulang nakasulat na ‘Libreng Sakay’.

Ngayong Lunes Santo, hanggang Martes Santo tatagal ang unang bahagi ng libreng sakay sapagkat ihihinto ito sa Miyerkules Santo.

Muling magbabalik sa susunod na linggo ng Lunes, ika-6 ng Abril magtutuloy hanggang ika-8, araw ng Miyerkules.

Positibong ibinahagi naman ng lokal na pamahalaan ang matagumpay na pamamahagi ng ‘cash relief’ sa libu-libong drayber sa lungsod.

Bilang tugon anila ito ng gobyerno para matulungan ang mga naapektuhan sa krisis ng gasolina; bukod sa Maynila, mayroon rin distribusyon isinagawa sa maraming lungsod tulad ng Quezon, San Juan, Paranaque, Pasay at iba pa.