Nanawagan si House Speaker Faustino Bojie Dy III sa mga Pilipino na gawing panahon ng pagninilay, pagbabago, at pagpapahalaga ang paggunita ng Holy Week.
Ayon kay Dy, napapanahon ang banal na pagdiriwang lalo na’t maraming Pilipino ang patuloy na humaharap sa iba’t ibang personal at pambansang hamon. Aniya, higit na nagiging makabuluhan ang mga aral ng sakripisyo, pagpapatawad, at pag-asa sa ganitong panahon.
Inaanyayahan ni Speaker Dy ang bawat Pilipino na ngayong Holy Week na sandaling huminto at pagnilayan ang kahulugan ng mga araw na ito.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang tradisyon ang Mahal na Araw kundi isang gabay sa moralidad na nagpapaalala ng mga pagpapahalagang nagpapatibay sa pagkakaisa at katatagan ng bansa.
Iginiit pa ng kinatawan ng Isabela na sa kabila ng mga pagsubok, may puwang pa rin ang pag-asa at panibagong simula.
Hinimok din ni Dy ang publiko na isabuhay ang kanilang pagninilay sa pamamagitan ng pagpapatibay ng pananampalataya, pagpapalalim ng ugnayan sa pamilya, at pagpapakita ng tunay na malasakit sa kapwa.
Umaasa si Dy na magsisilbing inspirasyon ang diwa ng Mahal na Araw upang higit pang mapagtibay ang pagkakaisa at sama-samang pananagutan sa pagbuo ng isang mas mahabagin at matatag na bansa.
















