-- Advertisements --

Kasabay ng pag-obserba ng Semana Santa, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang sambayanang Pilipino na magnilay-nilay at panibaguhin ang dedikasyon sa pananampalataya, serbisyo, at pagmamahal sa kapwa.

Kinumpirma rin ng punong ehekutibo nitong Martes na uuwi siya sa kanyang sariling probinsya sa Ilocos Norte upang doon palipasin ang mga mahal na araw.

Wala nang ibinigay na karagdagang detalye ang Presidente patungkol sa mga magiging partikular na aktibidad nito para sa Lenten Season.

Sa kanyang naging paunang mensahe, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pagmamalasakit at paglilingkod sa bayan.

Ipinahayag din ng Pangulo ang kanyang pakikiisa sa mga Pilipinong kumukuha ng oras upang mag-alay ng panalangin at alalahanin ang pagpapakasakit ni Hesukristo.

Umapela siya sa publiko na gawing inspirasyon ang halimbawa ng kababaang-loob at pag-asa na ipinakita ni Kristo upang mas lalo pang pagtibayin ang pagmamahal at paglilingkod sa lipunan.