CENTRAL MINDANAO – Inihahanda na ng lokal na pamahalaan ang isolation center sa Coronavirus disease o (COVID-19).

Ilalagay ang Central COVID-19 isolation center sa halfway house ng Provincial Capitol Compound sa Barangay Amas, Kidapawan City.

Mayroong 10-bed capacity facility ang isolation center para sa mga ‘moderate to severe’ na persons under investigation (PUI) at positive COVID-19 na mga pasyente sa probinsya kung sakaling may magpositibo sa nakakamatay na sakit.

Mamahala sa isolation center sina Dr Alex Cabrera at Dr Joel Nelton Sungcad.

Magkakaroon ng siyam na grupo na may tig-isang doktor, nurse, nursing attendant at utility worker para dito.

Ang Cotabato Provincial Hospital ang mamahala sa mga pangangailangan ng posibling pasyente sa isolation center kagaya ng PhilHealth processing, pagkain, medical at laboratory services.

Magiging alternatibo kung kinakailangang i-refer ang isang pasyente, siya ay ililipat sa Cotabato Regional Medical Center (CRMC) sa Cotabato City, at may dalawang pribadong ospital sa Kidapawan City at Midsayap, Cotabato.

Nakapaloob ang mga ito sa Section 2 ng EO 25 na nilagdaan ni North Cotabato Governor Nancy Catamco.