Nagdesisyon ang gobyerno ng Italy na payagan na ang pagbiyahe papunta at palabas sa kanilang bansa mula sa darating na Hunyo 3.
Sa kautusang nilagdaan ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte na inilathala ngayong Sabado, papahintulutan na rin ang paglakbay ng kanilang mga mamamayan sa ibang mga rehiyon sa bansa.
Ang nasabing hakbang ay isa sa mga paraan ng Italy upang muling buksan ang kanilang ekonomiya matapos ang mahigit sa dalawang buwang lockdown.
Maaalalang ang Italy ay nagtala ng 31,600 na death toll, na isa sa mga pinakamalalaking bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19, sunod sa Estados Unidos at United Kingdom.
Ang Italya rin ang kauna-unahang bansa sa Europe na nagpatupad ng nationwide restrictions nang magsimulang maiulat ang unang mga coronavirus cases sa kanilang bansa noong Pebrero.
Sinimulan naman nilang luwagan ang lockdown noong unang bahagi ng Marso, nang payagan nito na magbukas muli ang mga pabrika at parke noong Mayo 4.
Sa Mayo 18 ay nakatakda namang magbukas ang mga tindahan at restaurants, pero dapat ay sumunod ang mga ito sa health protocols gaya ng physical distancing.
Naghahanda na rin ang mga simbahan para sa muling pagbabalik ng mga Misa sa kaparehong araw, ngunit magpapatupad ang mga ito ng mahigpit na physical distancing at oobligahin ang mga mananampalataya na magsuot ng face masks.