Mas dumami pa ang COVID-19 cases na naitala mula sa iba’t ibang coronavirus variants base sa natuklasan ng Philippine Genome Center, at ng National Institute of Health ng University of the Philippines, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ng DOH na lumabas sa sequencing ng 37 samples na nadagdagan pa ng 10 ang B.1.617.2 variant cases (India); karagdagang 13 pa na B.1.1.7 (United Kingdom); pitong bagong B.1.351 (South Africa); at isa pang P.3 variant case.
Ayon sa kagawaran, kabilang sa sequencing ang samples mula sa crew members ng MV Athens Bridge, mga umuuwing overseas Filipinos na mayroong relevant travel history, at mga pumanaw na severe o critical cases.
Dahil sa 10 bagong naitalang caso ng B.1.617.2 variant, sinabi ng DOH na umakyat na ang kabuuang bilang nito sa 12.
Sa 10 bagong kaso, isa ang mula sa tripulante mula Belgium habang siyam naman ay pawang mga crew members ng MV Athens Bridge.
Natukoy na ang naturang seafarer ay umuwi ng Pilipinas mula sa United Arab Emirates.
Dumating siya ng Pilipinas noong Abril 24 at natapos naman ang kanyang isolation noong Mayo 13.
Samantala, sa siyam na crew members, apat ang nananatiling nasa stable na kondisyon sa isang hospital sa Manila habang ang lima naman ay nasa isolation facility.
Sa kabilang dako, sa 13 B.1.1.7 variant cases, tatlo ang returning overseas Filipino, at 10 ang local cases.
Sa naturang bilang, 12 na ang gumaling habang isa naman ang tuluyang binawian ng buhay.
Sa karagdagang pitong B.1.351 variant cases naman, dalawang kaso ang returning overseas Filipino, dalawa ang local cases, at tatlong kaso ang kasalukuyang biniberipika pa.
Dalawa ang active cases pa rin habang isa naman ang pumanaw at apat ang gumaling na.
Samantala, ang isang bagong P.3 variant case ay pumanaw na noon pang Pebrero.
Dahil sa mga bagong kaso mula sa iba’t ibang variants ng coronavirus na ito, hinihimok ng DOH ang publiko na sumunod sa health protocols at kaagad na magpabakuna na kung maari laban sa COVID-19.