Kinatigan ng ilang senador ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na courtesy resignation ng Cabinet secretaries na layuning i-recalibrate ang kanyang administrasyon matapos ang eleksyon.
Iginiit ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kinakailangan ng gobyerno na mapagkakatiwalaan at matinong katuwang.
Binigyang-diin ng senador na dapat magsimula sa bakuran ng pangulo ang pagsasaayos at inirekomenda rin nito na dumistansya sa mga pabigat na mga kaalyado nito.
Punto pa, kapag pumapalya aniya ang gobyerno ang taumbayan ang nahihirapan dito.
Samantala, wala namang nakikitang mali si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa ginawa ng pangulo—lalo na aniya kung ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsusumikap na bumuo ng isang lideratong kayang maghatid ng mahusay, may pananagutan, at tumutugon na pamahalaan.
Dagdag ni Estrada, ginagamit lamang ng pangulo ang kanyang kapangyarihan batay na rin sa Konstitusyon.
Para naman kay Senador Sherwin Gatchalian, dapat magsilbing pagkakataon sa mga gabinete ni Pangulong Marcos na suriin ang kanilang mga performance.
Aniya, ang lahat ng itinalagang miyembro ng Gabinete, bago man o matagal nang nanunungkulan, ay kailangang patunayan na kaya nilang mamuno nang may agarang aksyon at sapat na kakayahan.
Naniniwala naman si Senador JV Ejercito na binase ni pangulong Marcos ang kanyang desisyon sa naging resulta ng midterm elections.
Simula ngayon, kailangan nila aniyang maging alerto at handang kumilos.
Umaasa naman ni Senadora Nancy Binay na walang maging delay sa serbisyo ng mga kagawaran at maging mabilis ang pagpapalit sa mga matatanggal na gabinete.
Nirerespeto ng senadora ang kagustuhan ng pangulo na hingan ng courtesy resignation ang kanyang mga gabinete dahil nagsisilbi naman talaga ang mga ito sa kagustuhan ng pangulo.
Sa huli giit ni Binay, dapat handa ang gobyerno sa mga ahensyang mapapalitan ang namumuno upang walang maantala na mga programa.