-- Advertisements --

Ipinagpaliban ng Sandiganbayan ang arraignment at pre-trial proceedings laban sa Bureau of Immigration (BI) executives at employees na isinasangkot sa “pastillas” scam sa September 9.

Sa isang resolusyon, pinagbigyan ng Seventh Division ng anti-graft court ang mosyon na ihinto muna ang proceedings sa kaso na inihain laban sa mga idinadawit dito.

Dahil dito, ang arraignment at pre-trial laban sa mga akusado maliban kay Jeffrey Dale Salameda Ignacio na naka-schedule noong Hulyo 8 ay kinansela at muling itinakda sa September 9, 2022 dakong alas-8:30 ng umaga sa SB Multi-Purpose Hall, 6/F Sandiganbayan Centennial Building.

At dahil sa banta ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19), inatasan ang mga akusado na huwag na magdala ng mga kasama sa isasagawang pagdinig.

Inatasan din ang mga law firms na nagre-represent sa mga akusado na panatilihin ang minimum na bilang ng mga dadalo sa proceedings.

Noong buwan ng Hunyo, naghain ang Office of the Ombudsman ng graft charges sa Sandiganbayan laban sa 42 BI personnelna sinasabing sangkot sa pastillas scheme.

Sa naturang scheme, madali lamang daw ang pagpasok sa bansa ng mga banyaga na walang kaukulang mga dokumento basta’t magbigay lamang ang mga ito ng cash na nakabalot sa maliit na paper wrapper na parang pastillas.

Inakusahan ng Ombudsman si dating Deputy Commissioner Marc Mariñas ng BI Port Operations Division na nakipagsabwatan sa ilang immigration personnel maging kay Liya Wu ng Empire International Travel and Tours para maisakatuparan ang kanilang mga modus.

Partikular daw na target ng grupo ang paghingi sa mga Chinese nationals ng P10,000 kada pasahero at nakakulimbat ng P1.43 million sa mga banyaga.

Ito ay maliwanag na paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.