Itinayo sa Kapitolyo ang isang Counter-Incident Command Center upang masusing mamonitor ang sitwasyon sa mga local government units sa Cebu na apektado ng 6.9 magnitude na lindol.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Rhon Joseph Ramos, kinatawan ng opisina ni Gov. Pamela Baricuatro, sinabi nito ang nasabing command center ay nagkokolekta ng mga datos mula sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang lawak ng pinsala at ang agarang pangangailangan ng mga komunidad.
Ayon kay Ramos, itinalaga rito ang mga tauhan mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga department heads, at mga volunteers.
Aniya, ito ang responsable sa pagtitipon ng impormasyon at pakikipag-ugnayan sa mga local government units upang mapabilis ang paghatid ng tulong.
Dagdag pa rito, isa rin sa dahilan kaya itinatag ito dahil sa buhos ang mga dumating na mga volunteers para tumulong sa repacking ng mga relief goods para sa mga nasalanta ng lindol.
Bukas nang 24 oras, layunin ng command center na matiyak ang maayos at mabilis na koordinasyon para sa epektibong disaster response sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng lindol.