-- Advertisements --

Ibinunyag ni SYMS Construction Trading owner at manager Sally Santos ang umano’y takot na posibleng balikan siya ng mga kasabwat na mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bulacan.

Una kasing inamin ni Santos na nakakatanggap siya ng hanggang tatlong porsyentong kabahagi sa bawat flood control project na naibubulsa o kino-kontrata ng Syms.

Pero ang mga naturang proyekto aniya ay ipinapasok ng grupo nina Engr. Brice Hernandez at Engr. Henry Alcantara, ang dalawang DPWH Engr. na nagsisilbing chief at assistant ng Bulacan 1st District Engineering Office.

Ayon kay Santos, hinihiram lang ng mga ito ang lisensiya ng kaniyang kumpaniya at sila na ang bahala sa bidding. Pagkatapos nito ay napupunta na lamang sa kaniyang account ang kaniyang porsyento.

Nababahala umano ang government contractor na posibleng balikan siya ng mga itinurong district engineer na aniya’y nakinabang sa maraming kontrata na pinasok ng SYMS.

Pero giit naman ni Sen. JV Ejercito, alam ng contructor ang kaniyang pinasok na pakikipagsabwatan sa mga DPWH engineer

Sa huli, inirekomenda pa rin ni Sen. Ejercito na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice.