-- Advertisements --

Epektibo na simula kahapon Biyernes, Marso 15, ang contempt at arrest order laban sa self-proclaimed “Appointed Son of God” at Kingdom of Jesus Christ founder na si Apollo Quiboloy, ayon kay Surigao del Sur 2nd District Rep. Johnny Pimentel.

Si Pimentel, ang vice chairman ng House Committee on Legislative Franchise, ang naghain ng mosyon upang i-contempt si Quiboloy sa pagdinig ng komite noong Martes, Marso 12.

Matapos i-contempt, inaprubahan ng mga miyembro ng komite ang mosyon na atasan ang sergeant-at-arms ng Kamara na makipag-ugnayan sa mga alagad ng batas upang dalhin ang Pastor sa Batasan Complex.

Pero hindi kaagad naging epektibo ang utos matapos na hilingin ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio na bigyan ito ng ilang araw upang maka-usap ang kanyang kliyente.

Binigyan ng komite si Topacio ng hanggang Huwebes.

Ayon kay Pimentel lumalabas na delaying tactic ang ginawa ni Topacio dahil hindi naman ito nakipag-ugnayan sa kanila hanggang noong Huwebes upang ipaalam kung ano ang naging resulta ng pag-uusap nila ni Quiboloy.

Ilang beses na inimbita ng komite si Quiboloy sa pagdinig nito kaugnay ng panukala na ibasura ang prangkisang ibinigay ng Kongreso sa Sonshine Media Network International (SMNI), ang television network na kaniyang itinatag.

Nakapagsagawa ng anim na pagdinig ng komite sa nakalipas na limang buwan pero walang dinaluhan dito si Quiboloy na siyang nag-udyok sa mga miyembro ng komite upang i-contempt ito.

Ipinababawi ang prangkisa ng SMNI dahil sa pagpapakalat ng maling impormasyon, red-tagging, at paglabag sa mga corporate policy na taliwas umano sa nakasaad sa termino ng prangkisa.

Nitong Huwebes, ipinasilip ni House Secretary General Reginald Velasco sa media ang detention center ng Kamara kung saan ikinukulong ang mga nako-contempt.

Ito ay matatagpuan malapit sa South Gate ng Batasan Complex.

Ayon kay Velasco maaari sa susunod na linggo na maisilbi ang contempt order laban kay Quiboloy.