-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umabot umano sa 160 katao sa Western Visayas ang nakasalamuha ng mag-asawa na nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nagmula sa bayan ng Pavia, Iloilo.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Pavia Mayor Laurence Anthony Gorriceta, sinabi nito na sa kanilang bayan, umabot sa walong katao ang natukoy ng kanilang Rural Health Unit na nakasalamuha ng mag-asawang pasyente.

Ayon kay Gorriceta, isinailalim na sa swab test ang lahat ng mga na-identify ng kanilang Rural Health Unit, kung saan personal na pinuntahan ang mga ito sa kanilang bahay.

Ani Gorriceta, nagpapatuloy naman ang contact tracing sa iba pang nakasalamuha ng dalawang pasyente kung saan ipinapaubaya ng alkalde sa mga local government unit (LGU) ang pagsasagawa ng swab test.

Nananawagan naman ang alkalde sa lahat iba pang nakasalamuha ng dalawang mga pasyente na pumunta sa kanilang mga Rural Health Unit, upang maisailalim sa testing.

Sa ngayon naka-home quarantine na ang mag-asawa kasama na ang kanilang ikalawang anak na sumailalim sa testing ngayong araw.