NAGA CITY- Patay din ang isang construction worker matapos din umanong makuryente sa Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Nico Festijos, 21-anyos, residente ng Brgy. San Isidro, Libmanan, ng nasabing lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial office, napag-alaman na nadiskubre na lamang ng kapatid ng biktima na kinilalang si Christian Festijos, ang wala ng buhay na katawan ni Nico na nakahandusay sa lupa sa likod ng kanilang baracks.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na habang iihi sana ang biktima ay aksidente nitong nadikitan ang isang metallic wire (tire wire) na konektado sa radio set sa loob ng nasabing barracks bilang antenna.

Samantala, agad naman sanang dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara ring Dead On Arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa insidente.