Patuloy pa umanong pinag-aaralan sa ngayon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung ligtas at epektibong gamitin ang StaySafe.PH application bilang official contact-tracing app sa COVID-19.

Sinabi ni DICT deputy spokesperson Atty. Adrian Echaus, hinihintay pa nila ang pinal na desisyon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan bago ito tuluyang gamitin.

Ito ay una na ring inaprubahan ng ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infection Diseases (IATF) pero subject sa mga kondisyong dapat matugunan ng developer na Multi-Technology Corporation o Multisys.

Ang StaySafe.PH ay isang app na maaaring i-download ng isang indibidwal sa computer, laptop at cellphones kung saan pwedeng i-report ang kanyang health condition at maging miyembro ng kanyang pamilya.

Sa pamamagitan nito, ang mga users o may app na ay maaabisuhan ng mga lugar kung nasaan ang mga positibo, probable o suspected na may COVID-19.

Inihayag na ng NBI na gagamitin na nila ang app sa contact-tracing matapos aprubahan ng IATF.

Una ng naglabas ng pangamba si dating DICT Usec. Eliseo Rio kaugnay sa pagkakapili ng StaySafe.PH bilang contact-tracing app dahil umano sa mahina nitong privacy protocols at kasidad nito sa contact-tracing, gayundin ang mabagal at mahinang internet connection sa bansa.

Kaugnay nito, sinagot naman ni Presidential Spokesman Harry Roque ang mga kwestiyon kaugnay nito sa pagsasabing may kasunduan ang developer na Multi-Technology Corporation o Multisys at Department of Health (DOH) tungkol sa donasyon at paggamit ng StaySafe.PH application para mas matiyak ang pagsunod sa relevant cybersecurity, data privacy at confidentiality laws.

Kasama umano rito ang source code, lahat ng data, data ownership at intellectual property, kaya ibig sabihin, lahat ng mga nirereklamo ng mga kritiko ng StaySafe.PH ay binigyan ng atensyon ng IATF at ang gobyerno ang magmamay-ari ng data;

Ang function ng StaySafe.PH application ay dapat limitado sa collection ng data habang ang lahat ng collected data ay dapat i-store sa DOH COVID-KAYA system.

Ito rin daw ay libreng donasyon at walang gagastusing pondo ng gobyerno.