Nakatakdang maghain ng ethics complaint si Committee on Appropriations Vice Chairperson BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co laban kay Agri Party-list Rep. Wilbert Lee dahil sa kaniyang ipinakitang hindi magandang asal sa plenary debates sa 2025 national budget.
Sa isang statement na inilabas ni Co ngayong Miyerkules, kaniyang kinondena ang kaniyang ‘unparliamentary, rude at detestable conduct’ gayundin hindi tinanggap ni Co ang aniya’y lame at empty excuse ng kongresista.
Aniya, hindi nirespeto ni Cong. Lee ang buong komite at kinondena ang pag-atake sa kanila at sa mga kinatawang mga kababaihan na dumidepensa sa 2025 budget.
Sa kasagsagan kasi ng plenary debates sa P6.352 trillion General Appropriations Bill para sa 2025, ang appropriations panel vice chairperson ang may pangunahing tungkulin para depensahan ang budget ng bawat mga ahensiya na karamihan ay mula sa minority bloc kung saan kabilang si Cong. Lee.
Nang mag-mosyon ang majority bloc para sa termination ng deliberasyon ng pondo ng DOH, dito na inagaw ni Cong. Lee ang mikropono mula kay Senior Deputy Minority Leader Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza.