Magbibigay umano ang “Pilipinas Debates 2022 ” ng isang sulyap sa publiko kung paano gumaganap ang kanilang mga kandidato habang nasa ilalim ng pressure.
Una nang sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, na ang lahat ng mga kandidato ay nagpahayag ng kanilang pangako na sumali sa debate na inorganisa ng poll body.
Aniya, ang #PiliPinasDebates2022 ay isang pagkakataon para sa publikong bumoboto upang makita ang kanilang mga kandidato na kumikilos, gumaganap sa ilalim ng pressure, at nagpapakita ng pamumuno sa crunch-time.
Gayunpaman, sinabi ng tagapagsalita ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si Victor Rodriguez na “hindi pa nakumpirma ni Marcos ang kanyang pakikilahok” sa debate.
Matapos maglabas ng pahayag si Rodriguez na hindi pa kinumpirma ni Marcos ang kanyang pagdalo sa debate, nag-post si Jimenez sa Twitter ng isang liham mula sa kampo ni Marcos na nagpapahiwatig ng “kahandaang lumahok” sa nalalapit na debate na inorganisa ng poll body.
Ang sulat na ipinakita ni Jimenez ay nilagdaan ng campaign manager ni Marcos na si Benjamin “Benhur” Abalos Jr., na may petsang Feb. 11, 2022.
Ang pagsali sa debate ay hindi sapilitan para sa mga kandidato ngunit sila ay hinihimok ng poll body na sumali para sa kapakinabangan ng mga botante.