-- Advertisements --

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, Setyembre 5, ang pormal na pagbubukas ng Calunasan Small Reservoir Irrigation Project (SRIP) sa Barangay Calunasan, Calape, Bohol, bilang bahagi ng patuloy na hakbang ng pamahalaan na isulong ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura sa bansa.

Ang Calunasan SRIP ay isang pangunahing proyekto na layuning bigyang-solusyon ang kakulangan sa patubig sa mahigit 300 ektarya ng sakahan sa lugar.

Inaasahang magpapataas ito ng ani, magpapalakas sa produksyon, at magbibigay ng mas matatag na kabuhayan para sa mga lokal na magsasaka.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang proyekto ay hindi lamang simpleng pasilidad para sa irigasyon kundi isang mahalagang bahagi ng pangmatagalang plano ng gobyerno upang mapalawak ang irrigated lands sa buong bansa.

Layunin nitong mapalakas ang lokal na produksyon ng pagkain, mabawasan ang pag-asa sa importasyon, at bigyang-lakas ang mga komunidad sa kanayunan.

Bukod sa imprastruktura, patuloy ding namamahagi ang pamahalaan ng mga makabagong kagamitang pansakahan tulad ng traktora, backhoe, dryer, at milling machine.

Layon nitong matulungan ang mga magsasaka na maging mas epektibo at mas kumikita sa kanilang pagsasaka.

Samantala, ang naturang proyekto ay sumusuporta din sa aquaculture at flood management, bilang hakbang sa mas malawak na rural development na tumutugon hindi lamang sa produktibidad kundi maging sa klima at kaligtasan ng mga komunidad.