Muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidatong huwag kalimutang magsumite ng kanilang statements of contributions and expenditures (SOCEs).
Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, ang deadline ng pagsusumite ng SOCE ay hanggang sa Hunyo 8 o 30 araw matapos ang May 9 elections.
Paalala ng tagapagsalita ng komisyon na lahat ng kandidato ay kailangang magsumite ng SOCE nanalo man o natalo.
Para raw sa mga hindi nakapagsumite ng SOCE ay mayroon silang kahaharaping parusa.
Mas mabigat naman daw ang parusang kahaharapin ng mga kandidato na dalawang beses nang hindi nakapagsumite ng kanilang SOCE.
Mahaharap sa administrative cases ang mga kandidatong magsisinungaling o dadayain ang kanyang isusumiteng statements of contributions and expenditures (SOCEs).
Ito ang babala ni Laudiangco sa mga kandidatong magsusumite ng kanilang SOCE.
Paliwanag nito, mahuhuli at mahuhuli raw ang mga kandidatong mandadaya sa kanilang SOCE dahil bubusisihin ito ng komisyon.
Kapag nagsinungaling o nandaya ay makakasuhan ang mga tumakbong kandidato ng perjury.
Samantala, nilinaw naman ni Laudiangco na walang extension o hindi na palalawigin ang deadline ng pagsusumite ng SOCE.
Dagdag ni Laudiangco, alam na rin daw ng mga kandidato ang patakarang ito ng komisyon.
Base naman sa Section 13 ng RA 7166 mayroong limit sa mga gagastusin ng mga kandidato at mga political parties sa halalan.
Nakasaad dito ang mga kandidatong tatakbo sa pagka-presidente at vice-president ay dapat gumastos lamang ng P10 kada registered voters.
Ang mga kandidato namang mayroong political parties ay papayagang gumastos ng P3 kada rehistradong botante at para sa independent candidates ay P5.