Walang pagbaba sa bilang ng mga nagpapa-rehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahit inaasahang pipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Agosto 12 ang batas na magpapaliban sa halalan, ayon yan sa Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, patuloy ang pagdami ng voter registrants sa kabila ng 10-araw lang na registration period mula Agosto 1 hanggang 10. Aniya, 73% ng mga aplikante ay bagong botante, karamihan dito ay mga kabataan.
Kaugnay nito, patuloy ang pag-iikot ng poll body sa ilang Special Register Anywhere Program (SRAP) sites tulad ng LRT stations, Manila City Jail, at ilang unibersidad at malls. Ani Garcia, aktibo ring tumutulong ang mga magulang sa pagpaparehistro ng kabataan.
Pagtitiyak ni Garcia sa publiko na magpapatuloy ang paghahanda ng komisyon para sa BSKE habang hinihintay ang pirma ng pangulo, at wala pang malaking pondo ang nagagastos dahil nasa procurement stage pa ang ahensya.
Sa kasalukuyan, base sa tala ng COMELEC, umabot na sa mahigit 980,000 ang mga nagpa-reghistro sa buong bansa.