-- Advertisements --

Ikokonsidera na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagsama sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isasagawang voters registration na nakatakdang magsimula sa unang araw ng Hulyo hanggang Hulyo 11.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, naisip nila na maaaring walang makaboto sa Sangguniang Kabataan sa Bangsamoro kung hindi sila isasama sa pagpapa-rehistro. Kaya naman irerekomenda sa COMELEC En Banc na magkaroon na ng voters registration sa buong Pilipinas sa susunod na buwan para makapagpa-rehistro na ang mga kabataan na may edad na 15 hanggang 17 taong gulang sa Bangsamoro.

Dagdag pa ni Garcia, lahat ng klase ng registration ay tatanggapin nila sa Hulyo: bagong pagpaparehistro man yan, nagpapatransfer at nagpapa-reactivate ng voters status.

Samantala, sinabi rin ni Garcia na isasama nila sa ilalabas na resolution ang paglilinaw na ang mga magpaparehistro sa Hulyo na mula sa Bangsamoro ay hindi pa rin makakaboto sa BARMM Parliamentary Election na isasagawa naman sa Oktubre 13, ang mga boto nila ay para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election na mangyayari naman sa unang araw ng Disyembre.

Kaugnay pa nito, ipinahayag din ni Garcia na magpapilot test sila ng enhanced Register Everywhere, Anytime sa Metro Manila. Dahil sa kagustuhan na kahit gabi ay makapagparehistro, magsisimula muna silang subukan ang paglalagay ng registration booth sa ilang lugar katulad ng terminal ng bus, at call centers.

Pagtitiyak ni Garcia na hindi ito makakaapekto sa budget ng komisyon at sinigurado na ang lahat ng magsisilbi para rito ay magkakaroon ng nararapat na honoraria para sa kanilang overtime.