-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Marami na umanong mga kongresista ang umatras sa pagsuporta sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente dahil umano ayaw nilang madamay ang kanilang pangalan sa isyu.

At dahil nito ay inihayag ni Atty. Raymund Batu, Legal Counsel ng DDS Sara All Confederation na mahirap masiguro kung makukuha ang kinakailangang 106 boto sa plenaryo, na katumbas ng 1/3 ng 316 na miyembro ng Kamara.

Kinuwestiyon din ni Batu ang mga kongresista tungkol sa pakikinig sa boses ng mamamayan, lalo na’t may isang kongresista mula Bukidnon na umamin na 90% ng kanyang mga constituent ay tutol sa impeachment, ngunit pinili pa rin niyang gawin ang kanyang tungkulin.

Batay sa kanyang obserbasyon, kailangang titimbangin ng mga miyembro ng Kongreso kung ito ba ay isang lehitimong kaso o isa lamang anyo ng political persecution laban sa Bise Presidente.

Iginiit ni Atty. Batu na ang desisyon ng mga kongresista ay magiging mahalaga at maitatala sa kasaysayan, at ito na ang panahon upang ipakita nila ang kanilang konsensya at ang tunay na hustisya.