Iniimbestigahan ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kumakalat na video na umano’y nagpapakita kay Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na namimigay ng pera sa ilang indibidwal.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, isinasagawa na ang fact-finding investigation upang matukoy kung kailan nangyari ang insidente at kung si Leviste ba ay kandidato na noong panahong iyon.
Sa panig ni Leviste, itinanggi niyang may kinalaman ito sa panahon ng halalan at iginiit na nangyari ang pamimigay ng pera noong Pasko at mula umano sa kanyang sariling bulsa.
Inakusahan din niya si Executive Secretary Ralph Recto na binanggit niya na umano’y nagpapakalat ng naturang video sa social media, bagay na hindi pa kinukumpirma ng kampo nito.
Ayon kay Leviste, hindi dapat agad husgahan ang kanyang pagbibigay ng tulong, lalo na kung hindi panahon ng eleksyon at hindi sakop ng kanyang distrito.
“Pinapakalat… ang video ng pamimigay ko ng pera noong Pasko na galing sa sarili kong bulsa,” ani Leviste sa kanyang pahayag.
Samantala, patuloy na pinaaalalahanan ng Comelec ang publiko at mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ang vote-buying at vote-selling, na itinuturing na election offense sa ilalim ng batas.















