Nanawagan ang ilang petitioner sa Korte Suprema na agarang aksyunan ang mga isyu sa redistricting at political party rules sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bago ang paghahain ng certificates of candidacy (COC).
Sa isang manifestation, iginiit ng ilang petitioners na maaaring maapektuhan ang representasyon at partisipasyon ng mga botante sa nalalapit na unang parliamentary elections sa rehiyon.
Kinukuwestiyon nila ang Bangsamoro Autonomy Act (BAA) No. 86 at ilang probisyon ng BAA No. 88, na umano’y maaaring magdulot ng pagbaluktot ng representasyon, lalo na sa mga lugar tulad ng Marawi City at Lanao del Sur.
Tinukoy rin ng mga petitioner ang panibagong requirement sa mga political party na muling magparehistro, na anila’y maaaring magsilbing hadlang sa patas na partisipasyon sa halalan.
Dahil dito, hinikayat din ang Commission on Elections (Comelec) na resolbahin agad ang mga nakabinbing usapin bago magsara ang COC filing sa Mayo 7, upang matiyak ang malinis at kapani-paniwalang halalan sa BARMM. (Report by Bombo Jai)
















