-- Advertisements --

Inihain ni Senator Imee Marcos ang Senate Bill No. 2067 o panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) mula sa Nobyembre 2026 patungong Oktubre 2027 dahil sa pangamba na maaring hindi makaboto ang maraming Pilipino bunsod ng mataas na pamasahe dahil sa mahal ng krudo. 

Iginiit sa panukala na kung maipagpapaliban ang halalan, tuloy-tuloy ang magiging serbisyo ng mga opisyal ng barangay, isang malaking tulong umano upang matutukan nila ang pagtugon sa pangangailangan ng kanilang komunindad sa gitna ng krisis

Bukod rito, ipinunto din na aabot sa P16 bilyon ang gagastusin para sa BSKE ayon sa Commission on Election (COMELEC), maliban pa ang karadagdagang gastos sa Philippine National Police (PNP), Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan. 

Binigyaang-diin ni Marcos na mas mainam kung gamitin muna ang naturang bilyun-bilyung budget sa pagbigay ng pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino tulad ng pagkain, krudo at iba pang serbisyo. 

Ayon kay Marcos, kasunod lang din umano ng Undas ang Eleksyon kung kaya’t inaasahan aniya ang dagsang biyahero at mataas na singil sa pamasahe.

Iginiit ng senadora na mahalaga ang Undas sa mga Pilipino bilang panahon ng pagalala sa mga yumaong pamilya kung kaya’t dapat aniyang hayaan na muna ang mga Pilipino na mag dasal at alalahanin ang kanilang mahal sa buhay sa Nobyembre na walang abala ng eleksyon at pamumulitika.