-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang nadiskubring pagtapon ng training ballots sa Cavite.

Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, kanila ng inaalam kung bakit nadala ng F2 Logistics ang kanilang service provider ang mga nagamit na balota mula sa Tondo papunta sa Cavite at bakit anduon ito sa isang tabi.

Sinabi ni Garcia batay sa naging paliwanag ng election officer ng Manila City, na ang mga nakitang balota na itinapon sa Amadeo ay mga balota na ginamit nuong panahon ng training, final testing at sealing process, ilang araw bago ang halalan nuong May 9,2022.

Siniguro naman ng Manila City Treasurers Office na “properly accounted” ang lahat ng balota na ginamit nuong araw ng halalan dahil ito ang gagamitin sakaling magkaroon ng case of electoral protests.

Nilinaw naman ni Garcia na ang mga ginamit na training ballots ay hindi na kino kolekta ng Comelec.

“‘Yung mismong pang-training na ginagamit, yung pang-final testing and sealing natin, ‘yan ay dapat nasa mga guro kasi remember, ‘yung final sealing and testing ay ginagawa sa mga mismong presinto,” pahayag ni Garcia.

Gayunpaman sinabi ni Garcia, dapat ang mga training ballots ay nasa pangangalaga ng electoral boards, kaya nakapagtataka bakit napunta ang mga ito sa F2 Logistics.

Pinagpapaliwanag na rin ngayon ng Comelec angf F2 Logistics kung bakit napunta sa kanila ang mga training ballots.