Hindi pinaboran ng Commission on Elections (COMELEC) ang petisyon na nagpapa-recall sa kanilang desisyon na palawigin ang deadline na ibinigay nila kay dating Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sumagot sa petisyon na nagpapakansela sa kandidatura nito sa pagkapangulo.
Ayon sa Second Division ng COMELEC, sa kanilang desisyon noong Nobyembre 23 pero inilabas ngayong araw lamang, ang poll body ay mayroong otoridad para suspendihin ang reglementary periods base sa kanilang patakaran.
Iginiit nila na mas maayos na mapagdedesisyunan ang isang kaso kung ang lahat ng contending parties ay mabibigyan ng pagkakataon para maipahayag ang kanilang claims, makapagpresenta ng argumento at makapaglabas din ng kani-kanilang ebidensya.
Sa pamamagitan lamang aniya nito magkakaroon ng “accurate factual findings and correct legal conclusions.”
Nobyembre 18 nang ipinagkaloob ng COMELEC ang apela ni Marcos na mabigyan ng karagdagang limang araw mula Nobyembre 17 upang makapagsumite ng kanilang sagot sa petisyon na nagpapakansela sa kanyang certificate of candidacy.
Ang deadline sana para sa kampo ni Marcos para sumagot sa petisyon na inihain noong Nobyembre 2 ay orihinal na nakatakda nitong Nobyembre 16.