Inaasahan ng Commission on Election (COMELEC) na mas dadami pa ang mga vote-buying incidents habang papalapit ang botohan kaya naman ito ang kanilang babantayan lalo’t higit mula bukas, Sabado, hanggang kahit madaling araw ng Lunes, Mayo 12.
Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia na posible rin ang sunod-sunod na tawag patungkol sa mga insidente ng pamimili ng boto. Pagtitiyak naman ng poll body na bagaman ito ay kanilang aaksyunan agad, sisiguraduhin muna nila na ito ay totoong impormasyon.
Hinimok ng COMELEC ang publiko na agad na i-report sa kanilang tanggapan kung may makita man na pagbili ng boto, sa ano pa mang uri yan, ito ay agad nilang iimbestigahan.
Samantala, sinabi rin ni COMELEC Chairman Garcia na posibleng isagawa ang citizens arrest kung mahulihan sa akto na bumibili o nagbebenta ng boto sa araw ng eleksyon.
Hindi kailangan ng law enforcement authority ang humuli dahil kahit ordinaryong tao ay maaari itong gawin.
Paglilinaw ni Garcia na hindi nila ito ineengganyo ng poll body pero kung ito na ang marapat na gawin sa isang sitwasyon, legal itong gawin.