-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Pansamantalang itinigil ng 6th Infantry Division Philippine Army ang kanilang isinasagawang combat operations sa bahagi ng Maguindanao.

Ipinaliwanag sa Bombo Radyo Koronadal ni Major Homer Estolas, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, na naging epektibo ang naturang hakbang noong Disyembre 4 upang bigyang-daan ang isinasagawang assessment sa mga residenteng apektado ng bakbakan laban sa mga terror groups at mamigay ng tulong sa mga nangangailangan.

Mahigpit rin ang kanilang ipinapatupad na seguridad sa mga conflict-affected areas upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Samantala, ikinalungkot ng opisyal ang pagkakasawi ng tatlong mga sundalo na pawang namatay dahil sa pagsabog ng IED at ikinasugat naman ng walong iba pa.

Kinilala ni Estolas ang mga napatay na mga sundalo na sina Staff Sgt. Randy Alivar, Cpl. Rex Sadada at Cpl. Ronald Devalid.

Sa kabila nito, naninindigan ang 6th ID at Joint Task Force Central na gagawin ang lahat upang hindi makakalusot ang sinumang miyembro ng Dawla Islamiya o BIFF-ISIS sa saan mang lugar sa Mindanao upang makapaghasik ng karahasan.