-- Advertisements --

Umalma si Colombian President Gustavo Petro noong Miyerkules (oras sa Colombia) na ang huling bangkang tinamaan ng U.S. military sa Caribbean Sea ay mula sa Colombia at may mga Colombian na sakay.

Kinumpirma rin ng isang U.S. official na pamilyar sa insidente na isa sa mga tinarget na bangka ay pinaniniwalaang Colombian. Gayunman, tinawag ng White House ang pahayag ni Petro na “baseless” ang mga alegasyon at iginiit na nananatiling mahalagang kaalyado ang Colombia.

Ang akusasyon ni Petro ay posibleng magpaigting ng kritisismo laban kay U.S. President Donald Trump, na una nang inakusahan ng ilang senador sa Estados Unidos na nilalagay umano sa panganib ni Trump ang bansa sa paglunsad nito ng mas malawak na digmaan sa rehiyon.

Kamakailan lamang ay kinumpirma ni Defense Secretary Pete Hegseth na inutusan niyang atakihin ng mga tropa ng Amerika ang isang bangkang may kargang droga sa international waters malapit sa Venezuela noong Oktubre 3, na ikinasawi ng apat na katao.

Wala namang binigay na detalye ang U.S. hinggil sa mga napatay, kung anong uri ng droga ang dala, o kung saan eksaktong tutungo ang bangka.

Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi pa ni Petro na: “Indications show that the last boat bombed was Colombian with Colombian citizens inside it… There is no war against smuggling; there is a war for oil and it must be stopped by the world.”

Mariin namang itinanggi ng White House ang alegasyon at hinikayat si Petro na bawiin ang kanyang pahayag upang maibalik ang maayos na ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Samantala, nagtangka sina Democratic Senators Adam Schiff at Tim Kaine na ipasa ang isang resolusyon na pipigil sa mga susunod na air strike ng U.S. military, na tinawag nilang “illegal” at hindi awtorisado ng Kongreso. Nabigo ang resolusyon matapos makakuha ng boto 48–51 mula sa Senado ng Estados Unidos.