Nagtutulungan na sa ngayon ang mga Southeast Asian countries para sa isang “coherent and holistic approach” sa pagtugon sa pagkalat ng Coronavirus Disease (COVID-19), na nagsimulang kumalat noong Disyembre ng nakaraang taon.
Base sa datos ng World Health Organization, 6 na miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na kinabibilangan ng Cambodia, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnman, ay may 142 kumpirmadong kaso ng COVID-19 hanggang kahapon.
Idineklara na ng WHO ang outbreak ng COVID-19 bilang global health emergency makaraang makapagtala ng confirmed cases dito sa mahigit dalawang dosenang bansa.
Sa ngayon, 1600 katao na sa mainland China ang nasawi habang nasa humigit kumulang 68,000 naman ang apektado.
Dahil dito, binibigyan diin ng ASEAN ang kahalagahan na magkaroon ng pinaigting na ugnayan at pagkakaroon ng standardize measures para matiyak ang wastong health inspections sa mga borders at entry points ng ASEAN Member States.
Kaya naman inaatasan ang health sector ng ASEAN na magkaroon ng “close networking” sa mga sectoral bodies tulad ng sa consular, immigration at transportation para matiyak ang isang coherent at holisitic approach ng ASEAN Community laban sa COVID-19.
Nangangako ang ASEAN na gawing “high priority” ang pagtugon sa outbreak.
Kasabay nito ay nagpahayag din ang ASEAN ng pakikiisa at suporta sa China, kung saan nag-usbong ang bagong strain ng coronavirus.