BEIJING – Maliban kay Chinese President Xi Jinping, nagkaroon din ng bilateral meeting si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese Premier Li Keqiang kung saan nagkasundo silang panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.
Sinabi ni Li na mahalagang cooperation partner ng China ang Pilipinas sa Southeast Asia kasabay ng pagkilala sa progreso ng bilateral relations ng dalawang bansa sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon kay Li, makikipagtulungan ang China sa Pilipinas at iba pang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa pagbuo ng matagal ng inaasam na Code of Conduct in the South China Sea at isulong ang maritime oil and gas exploration sa panahon ng pagiging coordinator ng Pilipinas sa China-ASEAN relations.
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Pangulong Duterte na hindi kailanman komprontahin ng Pilipinas ang China, bagkus handa itong katuwang sa pagsusulong ng negosasyon sa Code of Conduct in the South China Sea.
Inihayag din ni Pangulong Duterte na ang mga Western countries gaya ng Amerika ay hindi mga negosyador sa Code of Conduct in the South China Sea at hindi sila dapat sagabal sa pagsisikap ng mga bansa sa rehiyon tungo sa nasabing kasunduan.