Ginulantang ngayon ang mundo ng sports sa Amerika matapos makitang wala ng buhay ang dating coach ng legendary 2012 Team USA gymnastics.
Kinumpirma ni Michigan Attorney General Dana Nessel na nag-suicide si John Geddert, matapos na isampa ang multiple counts ng human trafficking at sexual assault dahil sa pag-abuso umano sa kanyang mga batang gymnasts.
Sinasabing si Geddert ay nahaharap sa 20 counts ng human trafficking, dalawang counts ng sexual assault, isang count of racketeering at isang count sa pagsisinungaling sa pulisya.
Noong unang bahagi ng taong 2020 ay ni-raid ng Michigan State Police ang kanyang bahay.
Dati siyang may-ari ng kilalang Twistars Gymnastics Club sa Michigan.
Ang 63-anyos na si Geddert ang siyang namuno noon sa women gymnastics team na tinaguriang Fierce Five squad na nakasungkit ng gold medal sa 2012 London Olympics.
Ang team ay binubuo ng mga superstar athletes na sina Aly Raisman, Gabby Douglas, McKayla Maroney, Kyla Ross at Jordyn Wieber.
Ang kanilang team doctor na si Larry Nassar ay nahatulan din noon ng pang-aabuso-sexual sa mga batang babaeng atleta.
“It is alleged that John Geddert used force, fraud, and coercion against the young athletes that came to him for gymnastics training, for financial benefit to him,” bahagi pa ng statement ni Attorney General Nessel. “The victims suffer from disordered eating including bulimia and anorexia, suicide attempts and self-harm, excessive physical conditioning, repeatedly being forced to perform even when injured, extreme emotional abuse and physical abuse including sexual assault.”