Kinumpirma ni dating Audit–Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor at prosecution witness Roderick Wamil na si Vice President Sara Duterte lamang ang naging Bise Presidente at kalihim ng Department of Education (DepEd) na nagkaroon ng confidential funds sa nakalipas na tatlong administrasyon.
Sa pagpapatuloy ng ika-11 araw ng impeachment trial nitong Agosto 3, sinabi ni Wamil na wala umanong confidential funds ang Office of the Vice President sa panahon nina dating Vice Presidents Jejomar Binay at Leni Robredo, batay sa kanyang panunungkulan sa COA-ICFAO mula 2014 hanggang 2024.
Ayon kay Wamil, in-audit ng COA ang paggamit ng DepEd ng P112.5 milyong confidential funds noong una hanggang ikatlong quarter ng 2023, o tig-P37.5 million bawat quarter.
Para naman sa OVP, sinabi niyang umabot sa P125 million kada quarter ang confidential funds mula sa ikaapat na quarter ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023, na may kabuuang P500 million.
Samantala, sinabi ng lead defense counsel na si Atty. Michael Poa na ang testimonya ni Wamil ay nakabatay lamang sa panahon ng kanyang panunungkulan sa COA-ICFAO.
Nauna nang itinanggi ng kampo ni Duterte ang pahayag na nagastos ng OVP ang P125 million confidential funds sa loob lamang ng 11-araw noong Disyembre 2022.
















