-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang clinical trials para sa lagundi bilang supplemental treatment sa mga infected ng COVID-19.

Ito ang inianunsyo ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato dela Peña sa Laging Handa briefing.

Sinabi ni Sec. Dela Peña, isasagawa ng Philippine General Hospital (PGH) personnel ang nasabing clinical trials sa Quezon Institute quarantine center, Santa Ana Hospital at Philippine National Police-NCR community quarantine center.

“‘Yun pong sa lagundi, ang good news po ay naaprubahan na ng FDA ang clinical trials. Ito lang early this week naaprubahan,” ani Sec. Dela Peña.

Ayon kay Sec. Dela Peña, gagawin ang clinical trials sa mga mild cases.

“Ang hangad natin diyan ay ma-address ‘yung symptoms na katulad ng ubo, lagnat at mga sore throat. Kasi malaking bagay kung giginhawa ang ating pasyente na may cases diyan sa symptoms na ‘yan,” dagdag ni Sec. Dela Peña.

Samantala, wala pa namang approval ng FDA sa clinical trials ng tawa-tawa.