-- Advertisements --

Inaasahang hahalili ang Pinay beauty queen na si CJ Opiaza bilang bagong Miss Grand International 2024 matapos tanggalin ang titleholder na si Rachel Gupta ng India dahil sa kabiguan umano niyang magampanan ang kaniyang tungkulin bilang reigning queen.

Sa online post ng organization nitong Miyerkules, kinumpirma nito na “effective immediately” ang termination ng title ni Rachel Gupta bilang MGI 2024. Ang naturang desisyon ay matapos mabigo umano itong gampanan ang kaniyang duties, engagement sa external projects nang walang approval mula sa organization at pagtangging sumama sa scheduled trip sa Guatemala.

Ayon pa sa MGI organization, hiniling nito sa Indian beauty queen na ibalik ang korona sa kanila sa loob ng 30 araw.

Sa parte naman ni Gupta, kinumpirma niya sa kaniyang instagram post ang kaniyang pag-alis bilang MGI 2024. Naglabas din ng hinanakit ang Indian beauty queen kung saan sinabi niyang mahirap ang kaniyang naging journey bilang MGI 2024 dahil sa mga nasirang pangako, hindi magandang trato at toxic environment na hindi na niya maatim pa.

Humingi naman ito ng compassion, bukas na puso at patuloy na suporta sa kaniyang magiging susunod na hakbang at sinabing maglalabas siya ng full video na nagdedetalye sa likod ng kaniyang “difficult journey”.

Kung maalala, si Gupta ang kauna-unahang beauty queen mula sa India na nanalo ng naturang international title sa grand coronation night na ginanap sa Bangkok, Thailand noong Oktubre 2024.

Kinoronahan naman ang pambato ng Pilipinas na si Christine Juliane Opiaza bilang first runner-up, na inaasahang hahalili kay Gupta kasunod ng desisyon ng MGI organization.

Ito naman ang kauna-unahang MGI crown ng Pilipinas sakaling hirangin si Opiaza bilang bagong titleholder.