-- Advertisements --

Dumulog ngayong araw sa Korte Suprema ang ilang grupo binubuo ng mga Muslim upang ihayag ang pagtutol sa ‘umno’y ghost seats’ sa Bangsamoro Parliament. 

Inihain ng ‘civil society groups’ ang petisyong layon kwestyunin ang napasabatas ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77 o ang Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act.  

Kanilang isinumite ang ‘Petition for Certiorari and Prohibition with Urgent Motion for the Issuance of Status Quo Ante and Preliminary Injunction Order’ kontra sa nabanggit na batas. 

Kasamang nagtungo sa tanggapan ng Kataas-taasang Hukuman si Abdulah G. Macapaar o kilala rin sa tawag na ‘Commander Bravo’ ng Moro Islamic Liberation Front.

Kanyang ibinahagi ang kahilingan at pagtutol sa pagpapatupad ng ‘redistricting’ sa kanilang lalawigan partikular sa Lanao del Sur, Mindanao. 

Giit naman ni Alim Nasif Marangit, kabilang sa mga ‘petitioner’, labag umano sa konstitusyon ang implementasyon ng naturang batas. 

Naniniwala aniya sila na hindi dumaan sa tama at akmang proseso ang pagpapasabatas ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77.

Ganito rin ang hinaing ng kasama pa nilang naghain ng petisyon na si Mangontawar Macacuna. 

Aniya’y wala raw naganap na konsultasyon mula sa mga apektadong mga munisipalidad sa Mindanao bago maipatupad o maipasa ang naturang batas. 

Bunsod nito’y hiling ng mga ‘petitioner’ na maipadeklarang ‘unconstitutional’ ito sa Korte Suprema kasabay ng pagpapahinto na rin sa implementasyon ng naturang batas.