Maaring makulong ng anim na buwan hanggang sa dalawang taon sa ilalim ng Revise Penal Code ang sinumang magbebenta ng pekeng COVID-19 vaccination cards, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group.
Binigyan diin ni CIDG Director Police Major General Albert Ignatius Ferro na iligal ang pagmemeke ng anumang dokumento maging ang pag-forge ng mga vaccination cards na ibinibenta sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.
Sa ilalim ng Article 172, sinuman ang mamimeke ng mga dokumento ay pagmumultahin din ng hindi lalagpas sa P5,000, bukod pa sa parusang pagkakakulong.
Bukod dito, sinabi rin ni Ferro na ang CIDG ay pinaghahanap na rin ang mga nagbebenta ng iligal at overpriced na bakuna na ginagamit para sa COVID-19 treatment tulad na lamang ng tocilizumab at remdesivir.