Nagpasalamat si PNP CIDG chief PDir Roel Obusan sa boluntaryong pagsuko sa operator ng Dimple Star Bus na si Mr. Hilbert Napat ngayong gabi sa kampo Crame.

Sa panayam kay Obusan kaniyang sinabi na dahil sa pagsuko ni Mr. Napat ay maaga nilang masisimulan ang kaniyang isasagawang imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang mga kaanak ng 19 na mga indibwal na nasawi sa bus accident sa Occidental Mindoro habang 21 ang sugatan.

Sinabi ni Obusan na pag uusapan nila ang mga facts at circumstances kaugnay sa nasabing aksidente kasama si Mr Napat.

Ayon sa heneral ang boluntaryong pagsuko ng nasabing bus operator ay patunay na cooperative sila sa kaso lalo na sa isasagawang imbestigasyon.

Dagdag pa ni Obusan na depende sa magiging sitwasyon ng kanilang pag uusap nila kay Napat kung dapat ba itong i hold muna sa CIDG o pauuwiin muna ito dahil wala pa naman kaso na isinampa laban sa bus operator.

Tiniyak naman ni Obusan na makakamit ng mga biktima ang hustisya sa nangyaring aksidente.