Inaasahang magkakaroon na ng mass production ng Sinovac ng China sa Nobyembre at posibleng sa Disyembre ngayong taon o sa unang quarter ng 2021 ay masimulan na ang distribution nito.
Pahayag ito ni Philippine Ambassador to China Chito Sta Romana sa gitna ng phase 3 clinical trials na ginagawa na sa Sinovac sa China at sa iba pang bansa sa mundo.
Tiniyak naman ni Sta Romana na nananatiling prayoridad sa listahan ng China na mabigyan ng bakuna ang Pilipinas.
Aminado naman si Amb. Sta Romana na malaking hamon ngayon sa Pilipinas ang pagtanggap sa bakuna dahil kinakailangan itong paghandaan.
Kailangan kasi ng umano freezing cold storage facility para sa mga bakuna dahil kapag nalantad ang bakuna sa tropical condition tulad ng Pilipinas, mawawalan ito ng bisa.
Pero tiniyak naman ni Budget Sec. Wendel Avisado na may budget silang nakalaan para sa pagkakaroon ng cold storage facility para pag-imbakan ng mga kukuhaning bakuna laban sa COVID-19.
Hindi umano papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na masayang ang pagkakataon na mauuna tayo sa prayoridad ng China na mabigyan COVID-19 vaccines.
Maliban sa China, nag-apply na rin ng clearance for clinical trials ang Russia para sa kanilang Sputnik 5 at ang Jansen Pharmaceutical company ng Amerika.