-- Advertisements --

Pinatawag ng China ang envoy ng Pilipinas kaugnay sa naging desisyon ng bansa na luwagan ang restriksiyon sa mga opisyal ng gobyerno na bumibiyahe sa Taiwan para i-promote ang economic at trade relations.

Base sa report mula sa state-run media, noong araw ng Martes nang ipatawag sa Beijing ni Asian Affairs Department of the Foreign Ministry director-general Liu Jinsong si Philippine Ambassador to china Jaime FlorCruz para ipahayag ang seryosong concern kaugnay sa negatibo umanong hakbang ng Pilipinas sa isiyu sa Taiwan at sa security areas.

Nakasaad sa report na nakabase umano ang pagpapatawag sa envoy ng PH sa pinaluwag na travel restrictions sa mga opisyal ang gobyerno ng Pilipinas na nagpapahintulot sa kanila na bumiyahe sa isla para sa economic at trade activities gamit ang mga ordinaryong pasaporte nang walang approval mula sa foreign ministry ng Pilipinas.

Subalit ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Ma. Teresita Daza na ipagpapatuloy ng PH at China ang palitan ng mga prangkang pananaw sa isyu sa Taiwan at iba pang mga usapin.

Napanatili din aniya ng Pilipinas at China ang bukas na linya ng komunikasyon sa pamamagitan ng regular diplomatic channels at tuluy-tuloy din aniya ang kanilang palitan ng mga prangkang pananaw.