-- Advertisements --

Nagbabala ang Ministry of Education ng China sa mga estudyanteng nagbabalak mag-aral sa Pilipinas.

Ito ay sa gitna umano ng pagtaas ng mga krimen na tumatarget sa Chinese nationals.

Sa inisyung warning ng Ministry na iniulat ng isang state-owned Chinese media (Global Times), inabisuhan nito ang mga estudyante na masusing kilatisin ang mga posibleng banta sa seguridad at palakasin ang kamalayan at pag-iingat kung ikinokonsiderang mag-aral sa Pilipinas.

Nakasaad din sa report na pinost online ng Chinese Embassy na nakabase sa Maynila na madalas umanong nangyayari ang mga insidente kung saan sangkot ang local law enforcement sa panghaharass at pag-inspeksiyon sa mga Chinese nationals at mga negosyo gayundin nagiging karaniwan na aniyang nangyayari sa bansa ang political gatherings, protesta at demonstrasyon na nagreresulta sa umiigting na banta sa seguridad ng mga Chinese national at institusyon sa bansa.

Pinaiiwas din ang mga Chinese nationals sa mga political gatherings at matataong lugar at maigting na imonitor ang sitwasyon at iwasan ang unnecessary outings.

Pinayuhan din ang mga Chinese na sumunod sa lokal na batas at regulasyon at manatiling alerto laban sa posibleng safety traps o scams.

Sa ngayon, wala pang pahayag na inilalabas ang Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay sa naturang babala ng Ministry of Education ng China.