Ipinagmamalaki raw ng isang mataas na opisyal ng China na kanilang naayos ang resulta ng halalan noong 2016 at matagumpay na napaupo si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na ito ang ipinagyayabang ng hindi na niya pinangalanang mataas na opisyal ng China.
Noon pa aniyang Pebrero 22, 2019 ay may impormasyon itong natanggap na ipinagmalaki ng China na naimpluwensiyahan nila ang 2016 election sa Pilipinas para mapaupo si Duterte.
Tumutugma aniya ang nasabing binanggit ng Chinese offiicial dahil sa pagiging “malambot at malapit” daw ni Pangulong Duterte sa China.
Inihalimbawa nito noong Mayo 15, 2018 na ipinagmalaki ni Pangulong Duterte noong ito ay nasa Casiguran Bay sa Aurora na nangako umano si Chinese President Xi Jinping na poprotektahan niya ito mula sa anumang hakbang para matanggal ito sa puwesto.