Tumaas ang presensya ng Chinese Coast Guard at maritime militia vessels malapit sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea, ayon sa ship-tracking data nitong nagdaang tatlong araw.
Lumilitaw na nagmula ang mga barko mula sa mainland China, Paracel Islands, Bajo de Masinloc at iba pang bahagi ng Spratly Islands bago kumilos papalapit sa Pag-asa Island.
Ayon kay retired US Air Force Col. Ray Powell ng SeaLight, nagkaroon ng malaking “redeployment,” kung saan maraming barkong dating nakapwesto sa Scarborough Shoal ay lumipat patungong Subi Reef, kabilang ang walong militia vessels at China Coast Guard vessel 3305.
Mula sa dating 14 na barko sa Scarborough Shoal, dalawang coast guard ships na lamang ang nakikita ngayon, batay sa satellite images at automatic identification system (AIS) data.
Tinawag ni Powell na “hindi pangkaraniwan” ang siksikang galaw ng Chinese vessels malapit sa Pag-asa Island, na okupado ng Pilipinas ngunit inaangkin din ng China.
Naganap ang paggalaw sa gitna ng patuloy na tensyon at sigalot sa teritoryo sa pagitan ng Manila at Beijing. (report by Bombo Jai)
















